Ang Kuwento ni Hesus at Maria sa Banal na Quran (bahagi 3 ng 3): Si Hesus II
Paglalarawanˇ: Ang bahaging ito ay sinisiyasat ang mga taludtod ng Banal na Quran na pinag-uusapan ang pangangalaga ng Diyos kay Hesus, ang kanyang mga tagasunod, ang kanyang pangalawang pagdating sa mundong ito at kung ano ang mangyayari sa kanya sa araw ng pagkabuhay muli.
- Ni IslamReligion.com
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 08 May 2014
- Nag-print: 4
- Tumingin: 5,949 (araw-araw na pamantayan: 4)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang Passion (Paghihirap) ni Kristo
“At (di naglaon), nang mapag-alaman ni Hesus ang kanilang kawalan ng pananampalataya, siya ay nagsabi: “Sino baga ang aking makakatulong sa Kapakanan ni Allah?” Ang mga disipulo ay nagsabi: “Kami ang mga katulong ni Allah; kami ay sumasampalataya kay Allah at nagbibigay saksi na kami ay mga Muslim (na tumatalima kay Allah).[1] Aming Panginoon! Kami ay naniniwala sa anuman na Inyong ipinanaog, at kami ay sumusunod sa Tagapagbalita (Hesus); kaya’t (Inyong) itala kami sa lipon ng mga nagbibigay patotoo At sila ay nagbalak (na patayin si Hesus) at si Allah ay nagbalak din. At si Allah ang Pinakamahusay sa lahat ng nagbabalak. At (gunitain) nang winika ni Allah: “O Hesus! Ikaw ay Aking kukunin[2] at Aking itataas sa Aking Sarili (sa Kanyang piling), at ikaw ay Aking dadalisayin (sa maling paratang at kasinungalingan, na siya ay nagsasabi na siya ay anak ni Allah) sa mga nagpaparatang, at Aking gagawin ang mga sumusunod sa iyo na higit na mainam kaysa sa mga walang pananampalataya hanggang sa dumatal ang Araw ng Muling Pagkabuhay. At kayo ay magbabalik sa Akin, at kayo ay Aking hahatulan sa pagitan ninyo sa mga bagay na inyong kinahiratihan na hindi pinagkakasunduan.’” (Quran 3:52-55)
“At sa kanilang pagsasabi (na nagpaparangalan), “Aming pinatay ang Mesiyas na si Hesus, ang anak ni Maria, ang Tagapagbalita ni Allah, datapuwa’t siya ay hindi nila napatay, gayundin naman, siya ay hindi nila naibayubay sa krus, datapuwa’t ang nailagay na lalaki ay kawangis ni Hesus.[3] at ang may pagkakahidwa rito ay puspos ng alinlangan, na ang kaalaman ay walang (katiyakan); wala silang sinusunod maliban sa haka-haka, sapagkat katotohanang siya, ay hindi nila napatay; Datapuwa’t itinaas siya (Hesus) sa (kanyang katawan at kaluluwa) ni Allah sa Kanyang piling.[4] At si Allah ay Lalagi nang Tigib ng Kapangyarihan, ang Puspos ng Kaalaman.” (Quran 4:157-158)
Ang Mga Tagasunod ni Hesus
“At kung sinuman ang makipagtalo sa iyo tungkol sa kanya (Hesus), matapos (ang lahat) ng kaalamang ito ay dumatal sa iyo, iyong ipagbadya (O Muhammad): “Halina kayo, tawagin natin ang ating mga anak (na lalaki) at inyong mga anak (na lalaki), ang aming kababaihan at inyong kababaihan, ang aming sarili at inyong sarili,- at tayo ay manalangin at tawagin (ng may katapatan) na ang Sumpa ni Allah ay sumapit sa kanila na nagsisinungaling.” Katotohanan! Ito ang tunay na pahayag, at wala ng iba pang diyos maliban kay Allah. At katotohanang si Allah ay Sukdol sa Kapangyarihan, ang Ganap na Maalam. At kung sila ay magsitalikod, kung gayon, katiyakang si Allah ay Ganap na Nakakabatid sa mga gumagawa ng kabuhungan. Ipagbadya (O Muhammad): “O Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano). Halina kayo sa isang salita (usapan) na makatarungan[5] sa pagitan namin at ninyo, na atin lamang sambahin si Allah, na huwag tayong magtambal ng anumang iba pa sa Kanya, na huwag tayong tumangkilik ng iba pa bilang panginoon maliban kay Allah[6].’ At kung sila ay magsitalikod, inyong sabihin: “Maging saksi kayo na kami ay mga Muslim (na tumatalima kay Allah).’” (Quran 3:61-64)
“Katotohanan, ang mga hindi sumasampalataya (ay sila) na nagsasabi na si Allah ay ang Mesiyas, ang anak ni Maria. Ipagbadya (o Muhammad): “Sino kaya baga ang may pinakamaliit na kapangyarihan laban kay Allah, kung Kanyang naisin na wasakin ang Mesiyas, ang anak ni Maria, ang kanyang ina, at lahat ng nasa kalupaan nang magkakasama? At kay Allah ang pag-aangkin ng kapamahalaan ng kalangitan at kalupaan at lahat ng nasa pagitan nito. Lumilikha Siya ng Kanyang naisin. At si Allah ay Makakagawa ng lahat ng bagay. At ang mga Hudyo at mga Kristiyano ay (kapwa) nagsasabi: “Kami ang mga anak ni Allah at Kanyang minamahal.” Ipagbadya: “Kung gayon, bakit kayo ay Kanyang pinarusahan sa inyong mga kasalanan?” Hindi, kayo ay mga tao lamang; at sa Kanyang mga nilikha, pinatatawad Niya ang Kanyang maibigan at pinarurusahan Niya ang Kanyang maibigan. At si Allah ang nag-aangkin ng kapamahalaan sa kalangitan at kalupaan at lahat ng nasa pagitan nito, at sa Kanya ang pagbabalik (ng lahat).” (Quran 5:17-18)
“Katotohanang hindi sumasampalataya ang mga nagsasabi: “Si Allah ang Mesiyas (Hesus), ang anak ni Maria.” Datapuwa’t ang Mesiyas (Hesus) ay nagsabi: “O Angkan ng Israel! Sambahin ninyo si Allah, ang aking Panginoon at inyong Panginoon.” Katotohanan, ang sinumang nagtataguri ng mga katambal sa pagsamba kay Allah, kung gayon, si Allah ay magkakait sa kanya ng Paraiso at ang Apoy ang kanyang magiging tirahan. At sa Zalimun (mga mapagsamba sa diyus-diyosan, buktot, buhong, tampalasan), sila ay walang magiging kawaksi. Katotohanan, hindi sumasampalataya ang mga nagsasabi: “Si Allah ay isa sa tatlo (sa Trinidad)’[7] Datapuwa’t wala ng iba pang Diyos maliban sa Nag-iisang Diyos ([Allah], alalaong baga, wala ng iba pang karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Kanya). At kung sila ay hindi titigil sa kanilang sinasabi, katotohanan, ang isang kasakit-sakit na kaparusahan ay sasapit sa mga hindi sumasampalataya sa kanilang lipon. 74. Hindi baga sila magbabalik loob (sa pagsisisi) kay Allah at hihingi ng Kanyang kapatawaran? Sapagkat si Allah ay Lagi nang Nagpapatawad, ang Pinakamaawain.” (Quran 5:72-74)
“At ang mga Hudyo ay nagsasabi: 'Si Ezra ay anak ni Allah,’[8] at ang mga Kristiyano ay nagsasabi: Ang Mesiyas ay anak ni Allah.” Ito ang ibinabadya ng kanilang bibig. Sila ay nagsisigaya sa mga sinasabi ng mga hindi nananampalataya noong panahong sinauna. Ang sumpa ni Allah ay sasakanila, paano silang napaligaw nang malayo sa Katotohanan! Sila (ang mga Hudyo at Kristiyano) ay tumangkilik sa kanilang mga rabbi (maalam na tao sa relihiyon) at kanilang mga monghe(pari) bilang kanilang panginoon maliban pa kay Allah, at sila rin (ay nagtaguri bilang kanilang Panginoon) ang Mesiyas, ang anak ni Maria, samantalang sila (mga Hudyo at Kristiyano) ay pinag-utusan (sa Torah [mga Batas] at Ebanghelyo) na tanging sumamba lamang sa Nag-iisang Diyos (Allah), La ilaha illa Huwa [Wala ng iba pang diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Kanya]). Ang kapurihan at kaluwalhatian ay sa Kanya, (higit Siyang dakila) sa lahat ng mga katambal na itinataguri.”[9] (Quran 9:30-31)
“O kayong nagsisisampalataya! Katotohanang marami sa mga (Hudyong) rabbi (maalam sa relihiyon) at mga (Kristiyanong) monghe(pari) ang nagpapasasa sa kayamanan ng sangkatauhan (sa pamamagitan ng) kabulaanan, at humadlang (sa kanila) tungo sa Landas ni Allah (alalaong baga, sa Islam at sa Kaisahan ni Allah). At mayroon sa kanila na nagtitinggal ng ginto at pilak (Al- Kanz, ang pera na hindi ipinagbayad ng Zakah [katungkulang kawanggawa]), at hindi gumugugol nito tungo sa Landas ni Allah, - ipagbadya sa kanila ang kasakit-sakit na kaparusahan.” (Quran 9:34)
Ang Pangalawang Pagbabalik
“At walang sinuman sa Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano), ang maliliban (o mangyayari) na hindi mananalig sa kanya bago dumatal ang kanyang kamatayan.[10] at sa Araw ng Muling Pagkabuhay, siya (Hesus) ay magiging saksi laban sa kanila.”[11] (Quran 4:159)
“At siya (Hesus, na anak ni Maria) ay magiging isang Tanda (sa pagdating) ng oras, kaya’t huwag kayong mag-alinlangan.[12] datapuwa’t Ako ay inyong sundin; ito ang Tuwid na Landas (tungo kay Allah at sa Paraiso).” (Quran 43:61)
Si Hesus sa Araw ng Paghuhukom
“‘Si Allah ay magwiwika (sa Araw ng Muling Pagkabuhay): “O Hesus, na anak ni Maria! Iyong alalahanin ang Aking kagandahang loob sa iyo at sa iyong ina nang ikaw ay Aking patatagin (sa pamamagitan) ng ruh-ul-Qudus (Gabriel) upang ikaw ay makapangusap sa mga tao mula sa iyong duyan at sa iyong paglaki (hustong gulang). Pagmasdan! Ikaw ay Aking tinuruan ng pagsulat, ng Al Hikmah (ang kapangyarihan ng pang-unawa), ng Torah (mga Batas) at ng Ebanghelyo; at nang iyong gawin mula sa malagkit na putik, sa katulad na anyo, ang hugis ng isang ibon, sa Aking kapahintulutan, at hiningahan mo ito, at ito ay naging ibon sa Aking kapahintulutan, at iyong pinagaling ang mga bulag, at ang mga ketongin sa Aking kapahintulutan; at nang Aking pigilan ang Angkan ng Israel tungo sa iyo (nang sila ay magkaisa na ikaw ay patayin), sapagkat ikaw ay dumatal sa kanila na may maliliwanag na katibayan, at ang mga hindi sumasampalataya sa lipon nila ay nagsabi: 'Ito ay wala ng iba kundi isang malinaw na salamangka.’” (Quran 5:110)
“At si Allah ay magwiwika (sa Araw ng Muling Pagkabuhay): 'O Hesus na anak ni Maria! Iyo bang ipinahayag sa mga tao: 'Inyong sambahin ako at ang aking ina bilang dalawang diyos bukod pa kay Allah?’[13]’ Siya (Hesus) ay magsasabi: 'Luwalhatiin Kayo! Hindi isang katampatan sa akin ang magsabi ng isang bagay na wala akong karapatan (na magsabi). Kung aking binigkas ang gayong bagay, katotohanang ito ay Inyong mababatid. Talos Ninyo kung ano ang nasa aking kalooban datapuwa’t hindi ko nalalaman ang nasa Inyong (Kalooban), katotohanang Kayo at Kayo lamang ang Ganap na Nakakaalam ng lahat ng nakatago at nakalingid.’[14] Kailanman ay hindi ako nangusap sa kanila, maliban lamang kung ano ang Inyong ipinag-utos sa akin na sabihin: 'Sambahin ninyo si Allah, ang aking Panginoon at inyong Panginoon,' at ako ay isang saksi sa kanila habang ako ay naninirahan sa kanilang lipon, datapuwa’t nang ako ay Inyong kaunin, Kayo ang Tagamasid sa kanila, at Kayo ang Saksi sa lahat ng bagay. Kung sila ay Inyong parusahan, sila ay Inyong mga alipin, at kung sila ay Inyong patawarin, katotohanang Kayo at Kayo lamang ang Sukdol sa Kapangyarihan, ang Ganap na Maalam.”[15] Si Allah ay magwiwika: “Ito ang Araw na ang mga matatapat ay makikinabang sa kanilang katapatan; sasakanila ang Halamanan na sa ilalim nito ay may mga ilog na nagsisidaloy (Paraiso) – sila ay mananahan dito magpakailanman. Si Allah ay nalulugod sa kanila at sila ay gayundin sa Kanya. Ito ang dakilang tagumpay (Paraiso). Si Allah ang nag-aangkin ng kapamahalaan ng kalangitan at kalupaan at lahat ng nasa pagitan nito, at Siya ay may Kakayahan na makagawa ng lahat ng bagay.” (Quran 5:116-120)
Mga talababa:
[1] Ang pangalan na ibinigay para sa mga alagad sa Quran ay al-Hawariyyun, na nangangahulugang ang mga malilinis, tulad ng kulay puti. Naiulat din na dati silang nagbibihis ng puti.
[2] Si Hesus ay iniangat sa estado na natutulog. Ang salitang ginamit dito ay wafah, na nangangahulugang pagtulog o kamatayan. Sa Arabe, ang pagtulog ay tinatawag na bahagyang kamatayan. Tingnan din ang mga talatang 6:60 at 39:42, kung saan ang salitang wafah ay tumutukoy sa pagtulog at hindi sa kamatayan. Dahil ang talatang 4: 157 ay itinanggi ang pagpatay at pagpapako sa krus ni Hesus, at sa kadahilanan na ang bawat tao ay isang beses lang namamatay, si Hesus ay dapat na bumalik sa mundo, ang natitirang interpretasyon ng taludtod ay ang pagtulog.
[3] Ang pagkakahawig ni Hesus ay inilagay sa iba, at siya, hindi si Hesus, ang ipinako sa krus. Ayon sa ilang mga komentaryo sa Quran, ang ipinako sa krus ay isa sa mga disipulo, tinanggap na maging kahawig ni Hesus, at nagpaka-martir sa kanyang sarili upang mailigtas si Hesus bilang kapalit ng paraiso.
[4] Si Hesus ay inangat sa pamamagitan ng katawan at kaluluwa, at hindi namatay. Nananatili pa rin siya roon, at babalik sa huling oras ng mundo. Matapos matupad ang kanyang itinalagang papel sa lupa, mamamatay na siya kalaunan.
[5] Ito ang inanyaya ng lahat ng mga propeta ng Diyos at sinang-ayunan. At sa gayon ang pahayag na ito ay hindi natatangi sa isang pangkat, ngunit karaniwang mga batayan para sa mga nais sumamba sa Diyos.
[6] Kapag sinusunod ng isang tao ang ibang tao sa pagsuway sa Diyos, kinuha niya siya bilang panginoon sa halip na ang Diyos.
[7] Sa pagtukoy sa Trinidad.
[8] Bagaman hindi lahat ng mga Hudyo ay naniwala rito, nabigo silang hatulan ito (tingnan ang mga talata 5: 78-79). Kung pinahihintulutan ang isang kasalanan na magpatuloy at kumalat na walang sumasalungat rito, ang buong pamayanan ay mananagot.
[9] Ang mga relihiyosong iskolar ay ang mga nagtataglay ng kaalaman, at ang mga monghe ang siyang lubog sa ritwal at pagsamba. Ang dalawa ay itinuturing na mga pinuno ng relihiyon at mga halimbawa, at sa pamamagitan ng kanilang impluwensya maaari nilang mailigaw ang mga tao.
[10] Ang panghalip sa "kanyang kamatayan" ay maaaring tumukoy kay Hesus o sa bawat mula sa mga tao ng Banal na Kasulatan. Kung tumutukoy ito kay Hesus, nangangahulugan ito na ang lahat ng mga tao sa Banal na Kasulatan ay maniniwala kay Hesus; sa kanyang ikalawang pagbabalik sa mundo at bago ang kanyang kamatayan. Matapos ay titiyakin ni Hesus na siya ay isang propeta mula sa Diyos, hindi Diyos o anak ng Diyos, at hihilingin sa lahat ng mga tao na sambahin ang Diyos lamang at tumalima sa Kanya sa Islam. Kung ang panghalip ay tumutukoy sa bawat tao ng Banal na Kasulatan, ang ibig sabihin ng taludtod na ang bawat isa sa kanila ay makikita bago ang kanyang kamatayan kung ano ang makakapag kumbinsi sa kaniya na si Hesus pala ay isang tunay na propeta mula sa Diyos, at hindi Diyos. Ngunit ang paniniwala sa oras na iyon ay hindi magiging kapaki-pakinabang sa kanya, dahil hindi ito mula sa kanyang malayang kalooban, bagkus noong nakikita na niya ang mga anghel ng kaparusahan.
[11] Tingnan ang mga taludtod 5:116-118.
[12] Ang ikalawang pagdating ni Hesus ay magiging tanda na malapit na ang Araw ng Paghuhukom.
[13] Ang pagsamba sa iba na katambal ng Diyos ay pareho sa pagsamba lang kanila sa halip na sa Diyos. Parehong nangangahulugan na ang pagsamba ay nakatuon at ibinibigay sa iba kaysa sa Diyos, samantala ang Diyos lamang ang nag-iisang maaaring sambahin.
[14] Ang Diyos, tulad ng sinabi ni Hesus, ay alam na si Hesus ay hindi nag-anyaya para sa kanyang sariling pagsamba o sa kanyang ina. Ang layunin ng tanong ay ituro sa mga sumasamba kay Hesus o Maria na kung sila ay tunay na mga tagasunod ni Hesus, titigilan nila ang gawain na iyon, sapagkat hindi ito inanyaya ni Hesus. Ngunit kung magpapatuloy sila, ipagbigay-alam sa kanila na itatakwil sila ni Hesus sa Huling Araw, at hindi nila siya sinusunod, ngunit sinusunod lamang ang kanilang mga personal na kagustuhan.
[15] Sa madaling salita, alam Mo kung sino ang karapat-dapat na parusahan, kaya't parurusahan Mo siya. At alam Mo kung sino ang karapat-dapat na patawarin, kaya papatawarin Mo siya. Sapagkat sa katunayan, Ikaw ang Makapangyarihan na may kapangyarihang magparusa, at Ikaw ay Maalam sa pagtatalaga ng lahat ng mga bagay, kaya't patawarin mo ang mga nararapat na patawarin.
Magdagdag ng komento