Mga Palatandaan ng Pagkapropeta sa Marangal na Buhay ng Propeta Muhammad (bahagi 1 ng 2): Naunang Buhay ng Propeta Muhammad (pbuh)
Paglalarawanˇ: Ang buhay ng Propeta Muhammad (pbuh) ay ginabayan ng Diyos at ito ay pinatotohanan kahit mula pa sa napakamurang gulang.
- Ni Aisha Stacey (© 2013 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 31 Aug 2024
- Nag-print: 8
- Tumingin: 4,932 (araw-araw na pamantayan: 3)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
“Si Muhammad ay hindi ama ng sinuman sa inyong mga kalalakihan, nguni’t siya ay Sugo ng Diyos at panghuli sa lahat ng mga propeta. At ang Diyos ay lagi nang Maalam sa lahat ng bagay.” (Quran 33: 40)
Kapag ang isang tao ay tinanggap ang Islam, pinatotohanan ang kanyang pananampalataya o nagdarasal ng alinman sa limang araw-araw na pagdarasal, sila rin ay pinagtitibay ang paniniwala kay Muhammad (pbuh) bilang propeta ng Diyos; ang panghuling propeta. Karagdagan pa rito mahigit na 1.5 bilyong mga tao sa buong mundo ay naniniwalang ang buhay ng Propeta Muhammad (pbuh) ay karapat-dapat na tularan at pagkuhanan ng inspirasyon. Gayunpaman maraming mga tao ang yumayakap sa Islam na hindi talaga nakikilala ang Propeta Muhammad (pbuh), nawa'y ang awa at pagpapala ng Diyos ay sumakanya. Marahil ang tangi lamang nilang nalalaman ay isinilang at nabuhay siya sa Kapuluan ng Arabya at tumanggap ng literal na salita ng Diyos sa anyo ng Quran. Sa mga susunod na dalawang artikulo ating matutunghayan ang marangal na buhay ng Propeta Muhammad (pbuh), matutunan siyang kilalanin at mahalin ng higit pa. Makakamit natin ito sa pamamagitan ng pagtanaw sa mga palatandaan ng Pagkapropeta sa kanyang marangal na buhay.
Sa Arabe ang salitang propeta (nabi) ay hango sa salitang naba na nangangahulugang balita. Kaya mapagtitibay natin na ang isang propeta ay ipinalalaganap ang balita ng Diyos at Kanyang mensahe, sila sa isang diwa ay embahador ng Diyos sa lupa. Ang kanilang misyon ay iparating ang mensahe na sambahin ang Isang Diyos. Kabilang dito, ang anyayahan ang mga tao sa Diyos, ipaliwanag ang mensahe, ihatid ang mga magagandang balita at mga babala at pamahalaan ang mga kapakanan ng nasyon. Ang lahat ng mga propeta ay sabik iparating ang mensahe ng Diyos ng tapat at ganap at kabilang dito ang huling propeta, na si Muhammad (pbuh). Sa kanyang huling sermon ang Propeta Muhammad (pbuh) ay nagtanong sa kongregasyon ng tatlong beses kung kanyang naiparating ang mensahe, at tumawag sa Diyos upang saksihan ang kanilang kasagutan, na kung saan ay isang masigabo na "oo!".
Bukod sa diwa ng kanilang pag-anyaya sa Isang Diyos, ang isa pang katanggap-tanggap na palatandaan ng pagkatotoo ng mga propeta ay kung paano nila ginugol ang kanilang mga buhay. Ang mga kasaysayan ng buhay ng Propeta Muhammad (pbuh) na minana natin mula sa ating matutuwid na mga sinundan ay naglalarawan na ang pagkapropeta ni Muhammad (pbuh) ay ginabayan ng Diyos mula pa sa umpisa. Matagal bago pa man, ang propeta Muhammad (pbuh) ay inihanda na upang gabayan ang sangkatauhan sa tuwid na landas at ang kanyang mga karanasan sa buhay ay naglagay sa kanya sa mabuting katayuan para sa ganitong mabigat na misyon. Pagkatapos sa gulang na 40 nang ang pagkapropeta ay ipinagkaloob sa kanya, ang Diyos ay patuloy na tumulong at pinatibay ang kanyang misyon. Anumang kasaysayan sa buhay ni Muhammad (pbuh) ay puno ng mga halimbawa ng kanyang huwarang pagkatao; siya ay maawain, mahabagin, matapat, matapang, at mapagbigay, habang nagsusumikap lamang para sa mga gantimpala ng Kabilang Buhay. Ang paraan ng pakikitungo ng Propeta Muhammad (pbuh) sa kanyang mga kasamahan, kakilala, kaaway, hayop at maging sa walang buhay na mga bagay ay walang alinlangan na siya ay laging mapag-alala sa Diyos.
Ang kapanganakan ni Muhammad (pbuh) ay sinamahan ng maraming tinatawag na mga mahimalang kaganapan at ang usapin sa mga pambihirang kaganapan ay walang alinlangang gumaganap bilang mga palatandaan ng pagkapropeta, gayunpaman dapat tayong mag-ingat sa paniniwala nang walang pangingimi sa mga pambihirang pangyayaring yaon. Hindi lahat ng mga kaganapan ay tinatanggap ng lahat ng mga mananalambuhay at mananalaysay ng Islamikong kasaysayan kaya bagama't ipinapahiwatig nito ang isang pambihirang pasimula at isang buhay na nakatakdang gabayan ng Diyos, maaaring ang mga ito ay nagagayakan o lumalabis.
Natatangi subalit hindi kakaibang mga pangyayari ang bumabalot sa pagkabata ng Propeta Muhammad (pbuh) at ang mga ito ay walang alinlangan na mayroong kinalaman sa kanyang pagkatao. Nang sinapit niya ang walong taong gulang siya ay nagdusa sa pagpanaw ng kapwa kanyang mga magulang at kanyang pinakamamahal na lolo na si Abdul Muttalib. Siya ay naiwan sa pangangalaga ng kanyang tiyuhin at masugid na tagapagtaguyod na si Abu Talib. Kaya kahit sa pagkabata pa lamang ay nakaranas na siya ng matinding emosyonal at pisikal na kaguluhan. Ang kapwa maraming mga mananalaysay sa buhay ni Muhammad (pbuh) at ang Quran ay kinikilala ang kanyang masalimuot na buhay.
Hindi ba't natagpuan ka Niya (O Muhammad) na isang ulila at binigyan ka ng kanlungan? (Quran 93:6)
Ang tiyuhin ni Muhammad na si Abu Talib ay maralita at naghihikahos upang mapakain ang kanyang pamilya, kaya sa kanyang kabataan si Muhammad (pbuh) ay nanilbihan bilang pastol. Mula sa tungkuling ito ay natutunan niyang tanggapin ang pag-iisa at nabuo ang mga katangian tulad ng pagtitiis, pag-iingat, pangangalaga, pamumuno at isang kakayahang makaramdam ng panganib. Pagiging pastol ang isang tungkulin na ang lahat ng mga propeta ng Diyos ay nakilala natin at lahat sila may pagkakapareho. '... Ang mga kasamahan ay nagtanong, "Ikaw ba ay naging isang pastol?" Siya ay sumagot, "Walang propeta na hindi naging isang pastol." [1]
Sa kanyang pagbibinata si Muhammad (pbuh) ay minsang nakakapaglakbay kasama si Abu Talib, kasama sa mga karwaan sa mga sentro ng kalakalan. Sa isang pagkakataon, sinasabing siya ay nakapaglakbay sa kalayuan ng hilagang Syria. Ang mga matatandang mangangalakal ay nakilala ang kanyang pagkatao at binansagan siyang Al-Amin, ang isang mapagkakatiwalaan. Maging sa kanyang kabataan siya ay kilala bilang matapat at mapagkakatiwalaan. May isang kasaysayang tinatanggap ng karamihan ng mga Islamikong pantas at mananalaysay at ito ay ang isa sa mga paglalakbay ng Propeta Muhammad (pbuh) sa Syria.
Ang kasaysayan ay nagsasabi na ang monghe na si Bahira ay hinulaan ang pagdating ng Propeta at pinayuhan si Abu Talib na "bantayan nang mabuti ang kanyang pamangkin". Ayon sa mananalambuhay na si Ibn Ishaq, habang ang karwaan kung saan ang Propeta Muhammad (pbuh) ay naglalakbay ay narating ang gilid ng bayan, si Bahira ay nakakakita ng isang ulap na lumilitaw na tumatabing at sumusunod sa isang binata. Nang ang karwaan ay tumigil sa ilalim ng lilim ng ilang mga puno, si Bahira ay "tiningnan ang ulap nang tinakpan nito ang puno, at ang mga sanga nito ay bumaluktot at lumaylay sa apostol ng Diyos hanggang sa siya ay napasa anino sa ilalim nito." Matapos itong masaksihan ni Bahira ay pinagmasdan niya nang mabuti si Muhammad (pbuh) at tinanong siya ng maraming mga katanungan hinggil sa ilang mga propesiyang Kristiyanong kanyang nabasa at narinig tungkol dito.
Ang batang si Muhammad (pbuh) ay nakilala sa pagitan ng kanyang mga mamamayan dahil sa kanyang kahinhinan, mabuting pag-uugali at kagandahang asal, kaya hindi na nakakagulat para sa kanyang mga kasamahan na makita siya, mula pa ng kanyang kabataan maraming mga taon bago ang pagkapropeta, ay umiiwas na siya sa mga nakasanayang pamahiin at umiiwas din sa pag-inom ng alkohol, pagkain ng karne na kinatay para sa mga altar na bato o dumalo sa mga idolotriyang kapistahan. Nang umabot na siya sa ganap na gulang si Muhammad (pbuh) ay itinuturing bilang pinaka-maaasahan at mapagkakatiwalaang kasapi ng pamayanan ng taga-Makkah. Maging ang mga nasangkot ang kanilang mga sarili sa mga maliit na pantribong bangayan ay kinikilala ang katapatan at integridad ni Muhammad (pbuh).
Ang mga kabaitan at mabuting asal ni Muhammad (pbuh) ay matibay na mula pa noong murang gulang pa lamang, at ang Diyos ay patuloy na tinulungan at ginabayan siya. Nang siya ay nasa 40 taong gulang na si Muhammad (pbuh) ay pinagkalooban ng kapamaraanan upang baguhin ang mundo, ang kapamaraanan na kapaki-pakinabang para sa buong sangkatauhan.
Sa susunod na artikulo ay ating tatalakayin kung paano nagbago ang buhay ni Muhammad (pbuh) at pagpasyahan na hindi makatarungan o makatwiran na sabihin o paniwalaan ang mga nagsasabi na siya ay bulaang propeta. Hindi niya inangkin ang pagiging propeta para makamit ang pagiging komportable, kayamanan, kadakilaan, kaluwalhatian at kapangyarihan.
Magdagdag ng komento