Si Craig Robertson, Dating Katoliko, Canada (bahagi 2 ng 2): Natututong Tumanggap
Paglalarawanˇ: Matapos mahanap ang kanyang landas pabalik sa Kristiyanismo, si Craig ay pinagtaksilan ng kanyang mga kaibigan at muling nawala, hanggang sa kanyang makatagpo ang isang Muslim sa pinagtatrabahuhan.
- Ni Craig Robertson
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 23 Mar 2014
- Nag-print: 3
- Tumingin: 4,167 (araw-araw na pamantayan: 3)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Naaalala ko pa hanggang sa araw na ito ang aking unang tagpo sa isang Muslim. Ang isa sa mga batang lalaki ay nagdala ng kanyang kaibigan sa bahay ng kabataan. Siya ay isang batang Muslim na ang pangalan ay nakalimutan ko. Ang naaalala ko ay ang batang lalaki na nagsasabing “dinala ko ang aking kaibigan ‘ganito ganyan’, siya ay isang Muslim at nais kong tulungan siyang maging isang Kristiyano”. Labis akong namangha sa 14 taong gulang na batang ito, siya ay mahinahon at palakaibigan! Maniwala ka man o hindi, ipinagtanggol niya ang kanyang sarili AT ang Islam laban sa isang dosenang mga Kristiyanong nag-aakusa ng pang-aabuso sa kanya at sa Islam! Habang kami ay nakaupo doon at walang kabuluhang sumasang-ayon sa aming mga Bibliya at mas nagiging galit, nakaupo lamang siya roon, tahimik na nakangiti at sinasabi sa amin ang tungkol sa pagsamba sa iba maliban sa Diyos at kung paano, oo, mayroong pagmamahal sa Islam. Siya ay tulad ng isang usa na napapalibutan ng isang dosenang hyena, gayon paman sa lahat ng oras, siya ay mahinahon at palakaibigan at magalang. Hindi makapaniwala ang aking isipan!
Ang batang Muslim ay nag-iwan ng isang kopya ng Quran sa istante, maaaring nakalimutan niya ito o iniwan ito ng may layunin, hindi ko alam, ngunit sinimulan kong basahin ito. Hindi nagtagal ay nagalit ako sa librong ito nang makita kong mas may katuturan ito kaysa sa Bibliya. Itinapon ko ito nang labag sa kalooban at lumakad palayo, habang kumukulo sa galit; gayon pa man, matapos kong basahin ito, nagkaroon ako ng isang hindi kapani-paniwalang pag-aalinlangan. Ginawa ko ang lahat upang makalimutan ang tungkol sa batang Muslim at masiyahan na lamang sa aking oras kasama ang aking mga kaibigan sa bahay ng kabataan. Ang pangkat ng kabataan ay nagtutungo sa iba't ibang mga Simbahan tuwing katapusan ng linggo sa kaganapan ng mga pagdarasal at ang mga gabi ng Sabado ay ginugugol sa isang malaking Simbahan sa halip na sa inuman. Naaalala ko ng makasama ako sa isang nasabing kaganapan na tinawag na ‘The Well’ at naramdaman kong napakalapit ko sa Diyos at nais kong ipagpakumbaba ang aking sarili at ipakita sa aking Tagapaglikha ang aking pagmamahal sa kanya. Ginawa ko ang kung ano ang natural, nagpatirapa ako. Nagpatirapa ako tulad ng ginagawa ng mga Muslim sa pang-araw-araw na pagdarasal, ngunit hindi ko alam kung ano ang aking ginagawa, ang tanging alam ko lang, napakasarap nito sa pakiramdam... pakiramdam ko ito ay tama, higit pa sa anumang nagawa ko. Pakiramdam ko napaka-relihiyoso ko at banal at nagpatuloy sa aking landas ngunit tulad ng dati, nagsimula akong makaramdam ng pagkakawala ng mga bagay.
Palaging itinuturo sa amin ng Pastor na dapat nating isuko ang ating kalooban sa Diyos, at wala akong gusto na higit pa sa paggawa nito; ngunit hindi ko alam kung paano! Palagi akong nananalangin “Diyos ko Pakiusap, gawin ang aking kalooban na mapasaiyo, gawin mo akong sumusunod sa iyong kagustuhan” at iba pa, ngunit walang nangyayari. Naramdaman ko ang aking sarili na dahan-dahang lumalayo mula sa Simbahan habang ang aking pananampalataya ay humihina. Dito sa mga oras na ito ang aking matalik na kaibigan, ang lalaking Kristiyano na tumulong sa akin na lumapit kay Kristo, kasama ang isa pang malapit na kaibigan ko, ay ginahasa ang aking kasintahan na dalawang taon kong nakasama. Nasa ibang silid na ako at lasing na lasing na upang malaman kung ano ang nangyayari at wala akong kakayahang pigilan ang anuman. Makalipas ang ilang linggo, napag-alaman na ang lalaking nagpapatakbo ng bahay ng kabataan ay pinagsamantalahan ang isa sa mga batang lalaking kaibigan ko.
Nabasag ang mundo ko! Pinagtaksilan ako ng napakaraming mga kaibigan ko, mga taong dapat na malapit sa Diyos at nagtatrabaho patungong Paraiso. Wala na akong maibibigay, wala na naman akong saysay. Naglakad-lakad ako tulad ng dati, nang walang patutunguhan at walang direksyon, nagtatrabaho lamang at natutulog at nakikisalo. Ang aking kasintahan at ako ay naghiwalay agad pagkaraan. Ang aking pagkakasala, galit at kalungkutan ay sumasaklaw sa aking buong pagkatao. Paano nangyaring pinahintulutan ng aking Tagapaglikha na mangyari sa akin ang gayong bagay? Gaano ba ako ka sakim?!
Makalipas ang maiksing panahon, sinabi sa akin ng tagapamahala ko sa trabaho na ang isang “Moslem” ay magtatrabaho sa amin, tunay siyang relihiyoso at dapat nating subukang maging disente sa palibot niya. Sa sandaling ang “Moslem” na ito ay dumating agad siyang nagsimulang mag Da’wah. Wala siyang sinayang na oras sa pagsasabi sa aming lahat tungkol sa Islam at sinabi sa kanya ng lahat na hindi nila nais na marinig ang anumang bagay tungkol sa Islam, maliban sa akin! Ang aking kaluluwa ay sumisigaw at kahit na ako ay tigasin ay hindi ko maiwasang umiyak. Nagsimula kaming magtulungan at talakayin ang aming kani-kanyang mga paniniwala. Sumuko na ako sa Kristiyanismo nang lubusan, ngunit nang sinimulan niya akong tanungin, lumakas ang aking pananampalataya at pakiramdam ko ako ay isang ‘Mandirigma’ na ipinagtatanggol ang Pananampalataya mula sa masamang “Moslem” na ito.
Ang katotohanang bagay ay ang partikular na“Moslem” na ito ay hindi masama tulad ng sinabi sa akin. Sa katunayan, siya ay mas mabuti kaysa sa akin. Hindi siya nagmumura, hindi siya nagagalit at palaging mahinahon, mabait at magalang. Talagang humanga ako at nagpasya na siya ay magiging isang mainam na Kristiyano. Nagpalitan kami ng mga katanungan tungkol sa relihiyon ng bawat isa, ngunit pagkaraan ng ilang oras pakiramdam ko ang aking sarili ay mas lalong nagiging depensibo. Sa isang pagkakataon, ako ay subrang nagalit… dito sinubukan kong kumbinsihin siya sa katotohanan ng Kristiyanismo, at pakiramdam ko siya ang nasa katotohanan! Nagsimula akong makaramdam ng higit na pagkalito at hindi ko na alam kung ano ang gagawin. Ang alam ko lang ay kinakailangan kong dagdagan ang aking pananampalataya, kaya't sumakay ako sa aking sasakyan at tumungo sa ‘The Well’. Kumbinsido ako na kung makapagdasal lamang ako ulit doon, Maibabalik ko ang pakiramdam at ang matibay na pananampalataya at pagkatapos ay mapapabalik-loob ko ang Muslim. Pagkaraan ay nakarating rin ako doon, matapos akong magmadali sa daan, at natagpuan itong sarado! wala akong nakikitang tao, galit akong naghanap sa paligid para sa iba pang parehong kaganapan upang ako ay ‘lumakas’ ngunit wala akong nahanap. Matamlay, bumalik ako sa bahay.
Sinimulan kong mapagtanto na ako ay itinulak sa isang tiyak na direksyon, kaya't paulit-ulit akong nanalangin sa aking Tagapaglikha upang isuko ang aking kalooban sa Kanya. Pakiramdam ko nasasagot na ang aking mga panalangin; Umuwi ako at nahiga sa kama at sa sandaling iyon napagtanto kong kailangan kong manalangin tulad ng dati. Umupo ako sa kama at umiyak, ‘Hesus, Diyos, Budha, kung sino Ka man, pakiusap, pakiusap patnubayan Niyo po ako, kailangan Ko po Kayo! Marami na po akong nagawang kasamaan sa aking buhay at kailangan ko po ang Inyong tulong. Kung ang Kristiyanismo ay ang tamang landas kung gayon palakasin Niyo po ako, at kung ito ay ang Islam, kung gayon dalhin niyo po ako dito!’ Tumigil ako sa pananalangin at ang mga luha ay napawi at sa loob ng aking kaluluwa nakaramdam ako ng kahinahunan, alam ko kung ano ang kasagutan. Pumunta ako sa trabaho kinabukasan at sinabi sa kapatid na Muslim “paano ko sasabihin ang ‘hi’ sa iyo?” Tinanong niya ako kung ano ang ibig kong sabihin at sinabi ko, “Nais kong maging isang Muslim”. Tumingin siya sa akin at sinabing “Allahu Akbar!” Kami ay nagyakapan sa isang magandang minuto o higit pa at nagpasalamat ako sa kanya sa lahat at sinimulan ko ang aking paglalakbay sa Islam.
Tiningnan ko ang lahat ng mga kaganapan na nangyari sa aking buhay sa paglipas ng panahon, at napagtanto kong handa na akong maging isang Muslim. Naipakita sa akin ang napakaraming pagpapala mula sa Diyos. Sa lahat ng nangyari sa aking buhay, may dapat na matutunan. Nalaman ko ang kagandahan ng pagbabawal ng Islam sa mga nakakalasing, ang pagbabawal sa iligal na pagtatalik, at ang pangangailangan para sa pag Hijab. Sa wakas ako ay nasa isang pantay na balanse, hindi na ako sobra sa isang direksyon; Ako ay namumuhay sa isang katamtamang pamumuhay, at ginagawa ang aking makakaya upang maging isang disenteng Muslim.
Palaging mayroong mga hamon, dahil sigurado ako na marami sa inyo ang nakadarama, tulad ng nadarama ko. Ngunit sa pamamagitan ng mga hamong ito, sa pamamagitan ng mga emosyonal na sakit na ito, mas lumalakas tayo; natututo tayo at, umaasa ako, lumingon sa Diyos. Para sa mga yaong tulad ko na tinanggap ang Islam sa ilang bahagi ng ating buhay, tunay tayong pinagpala at masuwerte. Nabigyan tayo ng pagkakataon, isang pagkakataon para sa pinakadakilang habag! Habag na hindi nararapat sa atin, ngunit ang Diyos ay handa pa ring magbigay sa Araw ng Pagkabuhay. Nakipagkasundo na ako sa aking pamilya at nagsimulang maghanap upang magsimula ng aking sarili sa kagustuhan ng Diyos. Ang Islam ay tunay na pamamaraan ng pamumuhay, at kahit na pinagdudusahan natin ang hindi magandang pagtrato ng mga kapwa Muslim o hindi Muslim, dapat nating tandaan na maging mapagpasensya at lumingon lamang sa Diyos.
Kapag may nasabi akong anumang hindi tama ito ay mula sa akin, at kapag ang anumang nasabi ko ay tama ito ay mula sa Diyos, Ang lahat ng Papuri ay para lamang sa Diyos, at nawa'y ipagkaloob ng Diyos ang Kanyang habag at pagpapala sa Kanyang marangal na Propetang si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala), Amen.
Dagdagan nawa ng Diyos ang ating pananampalataya at gawin itong naaayon sa kung ano ang nakalulugod sa Kanya at ipagkaloob nawa sa atin ang Kanyang Paraiso, Amen!
Magdagdag ng komento